Nananatiling bukas sa lahat ng mga pasyente ang The Medical City sa Pasig City.
Ito ang inanunsyo mismo ni Dr. Eugenio Jose Ramos, Presidente at chief executive officer ng the Medical City.
Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng umano’y isang memorandum na nagsasaad na pansamantalang ititigil ng ospital ang pagtanggap ng mga pasyenteng hinihinalang may COVID-19 dahil sa kakulangan ng mga medical staff.
Ayon kay Ramos, totoo ang nabanggit na memo bagama’t ipinalabas ito bilang internal memorandum ng pinuno ng epidemic rapid team ng kanilang ospital at hindi dapat kumalat sa social media.
Paliwanag ni Ramos, layun lamang ng memorandum ang pansamantalang makontrol ang pagpasok ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos umabot sa 31 mga persons under investigation ang kanilang hinawakan noong huwebes ng gabi.
Habang may kasalukuyan pang walong pasyente na positibo sa COVID-19 ang naka-admit sa the Medical City.
Dahil dito sinabi ni Ramos na lumagpas ang nabanggit na bilang sa kapasidad ng ospital sa araw-araw.
Gayunman, iginiit ni ramos na patuloy na tatanggapin ng the Medical City ang lahat ng mga klase ng pasyente basta’t kakayanin pa ng kanilang kapasidad.