Handang maglatag ng solusyon ang grupo ng iba’t ibang medical frontliners sa pamahalaan upang ganap na mapagtagumpayan ang giyera ng Pilipinas kontra COVID-19.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians kasabay ng kanilang panawagan na isailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila sa loob ng dalawang linggo.
Giit ni Dr. Limpin, bilang mga frontliner sa giyera kontra COVID-19 ng Pilipinas, kailangan nilang muling maisaayos ang kanilang sarili upang mapagsilbihan ang mas nakararaming mga Pilipino.
Eto pong pananawagan na ito ang nakita po namin na isang mabisa na pamamaraan para ma-call po ang attention ng ating gobyerno lalung-lalo na ang ating presidente, namamahala ng IATF, pati na rin ang Department of Health. Talaga pong tutulong kami, makikibahagi kami, kung papano ang gagawin nating strategy para masugpo natin ang COVID-19,” ani Dr. Maricar Limpin sa panayam ng DWIZ.
Binigyang diin pa ni Limpin na isa sa mga mas dapat na pagtuunan ng pansin at palakasin ng pamahalaan ay ang contact tracing sa panahon ng lockdown upang agad na maisailalim ang mga ito sa testing at treatment.
Kulang pa po ang ginagawa nating contact tracing. Ang pinaka importante talaga dito, ang dami nating czar dito sa COVID-19 na ito. Siguro dapat isa nalang czar ang ating tingnan, at para po sa amin, ang pinaka leader na dapat nating tinitingnan pagdating sa pagsugpo ng COVID-19 ay walang iba kundi ang Department of Health,” dagdag pa ni Dr. Limpin.