Hindi makalulusot ang panukalang pagsasaligal ng medical marijuana sa Senado.
Ito ang inihayag ni Senate Majority Leader Tito Sotto kasunod ng pag-apruba ng House Committee on Health sa Compassionate and Right of Access to Medical Cannabis.
Ayon kay Sotto, walang kahit anumang bill tungkol sa medical marijuana ang nakahain sa Senado at tiniyak na hindi nila susuportahan ang anumang panukala para dito.
Giit pa ni Sotto, ang medical marijuana bill ay maaaring magbukas ng pinto para sa pagsasaligal ng paggamit ng marijuana sa bansa na lalabag naman sa nilagdaang tratado ng Pilipinas sa United Nations.
Binigyang diin pa ni Sotto na ang pagsasabatas sa medical marijuana ay nangangailangan din ng pag-amyenda sa isang probisyon sa Republic Act Number 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
—-