Lusot na sa committee level sa Kamara ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Ayon kay Isabela Representative Rodolfo Albano, may-akda ng panukalang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act, kanyang ikinatuwa ang pagkakalusot nito sa kauna-unahang pagkakataon sa House Committee on Health.
Nakasaad sa nasabing panukala ang pagpapatayo ng medical cannabis center na lisensyado ng Department of Health kung saan makabibili ang mga kuwalipikadong pasyente.
Gayundin, ang pagbibigay ng mga ID sa mga pasyenteng sasailalim sa nasabing gamutan at pagbabantay ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency para matiyak na naaayon sa batas ang pagbebenta at paggamit ng medical marijuana.
Dagdag ni Albano ang panukalang medical marijuana ay inaprubahan matapos ang masusing konsultasyon sa mga pasyente, advocacy group, health care practitioners at medical group.
—-