Muling tinalakay sa Kamara de Representates ang panukalang naglalayong gawing legal ang medical marijuana sa bansa matapos ang ilang taon.
Sa debate sa plenaryo, iginiit ni Isabela Representative Rodolfo Albano III, ang pangunahing may akda ng Compassionate Medical Cannabis Bill na maraming bansa na ang nagpapatunay ng medicinal benefits ng marijuana tulad ng Israel, Spain at Amerika.
Dagdag ni Albano, nakasaad din ang mahigpit na babantayan ng Department of Health o DOH at Food and Drug Administration o FDA ang paggamit sa marijuana bilang gamot sa mga malalalang sakit na tulad ng epilepsy.
Nais naman ni Senior Minority Leader and Buhay Party-list Representative Lito Atienza na makakita muna ng mga gamot na nagtataglay ng marijuana na inaprubahan ng US – FDA at mga ebidensyang nakagagamot ito.
Samantala, nangako naman si Bukidnon Representative Miguel Zubiri na magdadala ng sample ng gamot na hinihingi ni Atienza.
—-