Aabot na sa 630,000 metric tons ng medical waste ang nakolekta mula sa mga ospital sa buong bansa sa unang anim na buwan.
Batay ito sa datos ng Department of Environment and Natural Resources-Online Hazardous Waste Management System ng DENR mula Enero hanggang Hunyo.
Aminado si Philippine Hospital Association President, Dr. Jaime Almora na nahihirapan sila sa laki ng gastos sa waste disposal lalo’t kinakapos din sa budget ang maraming ospital ngayong may COVID-19 pandemic.
Bukod aniya sa mga COVID-19, laganap din ang iba pang respiratory diseases, gastrointestinal infections, dengue, trangkaso, influenza, kaya’t dumami ang mga admission na nagresulta sa pagdami rin ng basura.
Idinagdag pa ni Almora na dahil sa dami ng medical waste ay maaaring hindi na naihihiwalay ang mga basura ng mga COVID-19 patient kaya’t may posibilidad na magkaroon ng hawaan.
Samantala, muling ipinaalala ni DENR Undersecretary for Solid Waste Management Benny Antiporda ang kahalagahan ng segregation ng mga basura ng mga COVID patient upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.—sa panulat ni Drew Nacino