Hindi kinakailangan ng mga medical workers sa Central Visayas Region partikular sa Cebu City ang mag-time out.
Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) – Central Visayas dahil iba anila ang sitwasyon sa kanilang rehiyon kumpara sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng pagkakaroon din nila ng mataas na kaso.
Ayon kay DOH-7 Spokesperson Dr. Mary Jean Loreche, ang kaibahan ng Cebu City ay nakikipag-ugnayan sila sa mga component societies.
Binibigyan din aniya ng mga incentives ang mga health workers sa siyudad na nakatutulong para tumaas ang kanilang morale.
Dagdag pa ni Loreche, dinadagdagan din ang ibinibigay na tulong para sa gastusin ng mga health workers sa Cebu City na maoospital dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi pa ni Loreche, nakababawas din sa pasanin ng mga health workers sa Cebu City ang pagkakaroon ng mga bagong molecular laboratories at testing centers.