Tila namamaltrato ang pakiramdam ng medical workers sa gitna nang paggigiit nila sa hindi pa nababayarang claims ng PhilHealth sa mga ospital.
Binigyang diin ito i Dr. Maricar Limpin, Pangulo ng Philippine College of Physicians (PCP) matapos mabunyag sa pagdinig ng Kamara na nasa mahigit P21-B pa ang utang ng PhilHealth sa mga ospital.
Ayon kay Limpin, umaasa silang tatratuhin sila ng tama ng PhilHealth matapos na ilang ospital pa ang hindi pa nakukuha ang kanilang claims sa ahensya simula pa Marso 2020.
Gayunman, tiniyak ni Limpin na tuluy-tuloy ang trabaho nilang gamutin ang COVID-19 patients kahit palagiang nandyan ang panganib sa kanilang buhay.
Kasabay nito, nanawagan si Limpin sa PhilHealth na tukuyin ang mga ospital na nabayaran na nito.