Bukod sa Maximum Security Compound at Building 14, gusto na ding pabantayan ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa sa mga Special Action Force (SAF) trooper ang Medium Security Compound ng New Bilibid Prison o NBP.
Ito ay dahil aniya sa mga lumabas na ulat na may nanggagaling na ding mga iligal na droga sa Medium Security Compound.
Ayon kay Dela Rosa, kakausapin niya ang mga opisyal ng Bureau of Corrections o BuCor para mapalawak pa ang binabatayan ng SAF sa Bilibid.
Dahil dito, balak pa aniya nilang dadagdagan ng isa pang kumpanya ang kasalukuyang isang batalyong SAF na nagbabantay sa pambansang piitian.
Sakali man aniyang lumipat din sa Minimum Security Compound ang kalakalan ng droga, ililipat din doon ng PNP Chief ang SAF.
Ayon pa kay Dela Rosa, kung magawa ng SAF na malinis sa droga ang Bilibid bago siya magretrio sa darating na Abril 21, baka hindi na umano siya italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Bureau of Corrections.
Turn over ceremony ng SAF sa NBP
Pinalitan na simula ngayong araw ng Martes, Pebrero 6, ang batch ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP – SAF) na una nang nagbabantay sa Maximum at Building 14 ng New Bilibid Prison o NBP.
Sa turn over ceremony ng SAF sa NBP na pinangunahan ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, sinabi ni PNP – SAF Spokesperson Jonalyn Malnat na mahigit tatlong daan o isang batalyong SAF commandos ang ipapalit sa mga papaalis nilang kasamahan.
Ito na aniya ang ika-apat na batch ng SAF troopers na idedeploy [deploy] sa NBP.
Pinaalalahanan naman ni PNP – SAF Director Noli Talinio ang bagong batch ng SAF commandos na huwag magpasilaw sa alok ng mga sindikato sa kulungan.