Kumambiyo si Dangerous Drugs Board o DDB Chairman Dionisio Santiago matapos tawaging isang pagkakamali ang mega-drug rehabilitation center sa Nueva Ecija.
Ayon kay Santiago, nagkamali lamang ng kalkulasyon sa pagpapatayo ng mega drug abuse treatment and rehabilitation center.
Magugunitang inihayag ni Santiago na hindi praktikal na ilayo sa kanilang komunidad ang drug dependents dahil sa gastos ng mga kaanak para lang madalaw ang mga pasyente.
Ang rehab center sana ang nakikitang solusyon sa daan-daang libong sumusuko sa war on drugs ng gobyerno pero halos isang taon matapos buksan ay nasa 400 pasyente pa lang ang laman nito.
No fund from the gov’t—Palace
Una rito ay nilinaw ng Malacañang na walang pondo ng gobyerno na ginamit sa pagpapatayo ng mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija.
Ang nasabing pahayag ay bilang tugon sa pahayag ni Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago na “impractical” at isang pagkakamali ang konstruksyon ng nasabing rehabilitation center na may kapasidad na 10,000.
Paliwanag ni acting Presidential Spokesperson Harry Roque, walang ginastos na kahit na magkano ang gobyerno sa mega drug rehab dahil ito ay donasyon mula sa Chinese tycoon na si Huang Rulun.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 300 drug surrenderee sa kampanya ng administrasyon kontra illegal na droga ang na-admit sa mega drug rehab center sa Nueva Ecija.
—-