Magagamit na bilang mega quarantine facility para sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang PhilSports Arena o mas kilala bilang Ultra sa Pasig City.
Kahapon, ininspeksyon ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Office of the Civil Defense (OCD), Department of Health (DOH) at Philippine National Police (PNP) health service ang nasabing pasilidad.
Ayon kay Public Works Sec. Mark Villar, mayroon itong 132 bed capacity na laan para sa mga probable at suspected COVID-19 cases.
Pangangasiwaan ito ng PNP medical corps na binubuo ng siyam na doktor at 54 na nurses at hahatiin sa dalawa hanggang tatlong shift.
Mayroon din itong dalawang nurse stations at kumpleto sa mga kagamitan tulad ng hospital beds sa kagandahang loob naman ng Villar Group of Companies.
Pagmamalaki pa ni Villar, nabuo ang quarantine facility sa ulta sa loob lamang ng tatlong araw na pasok sa limang araw na deadline.
TINGNAN: Mega Quarantine Facility sa PhilSports Arena (ULTRA) magagamit na ngayong linggong ito | @DPWHph pic.twitter.com/2TvKHZ8SYl
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) April 26, 2020