Isa pang mega-shabu laboratory ang nadiskubre sa paanan ng Mount Arayat sa Pampanga.
Katuwang ang Pampanga Provincial Police Office, sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 Office ang laboratoryo sa Barangay Lacquios, kahapon.
Ayon kay Senior Supt. Rodolfo Recomono Jr., hepe ng Pampanga PNP, kabilang sa kanilang mga narekober na equipment ang pitong malalaking hydrogenerator at chromatograph.
Ang bawat hydrogenators aniya ay may kapasidad na gumawa ng 50 hanggang 100 kilos ng shabu kada araw base sa assessment ng mga crime laboratory chemist habang ang chromatograph machine ang ginagamit sa pagtukoy ng “purity” ng finished product.
Isang Chinese national ang nadakip sa nasabing raid.
Kasunod ng pagkakadiskubre sa dalawang malalaking shabu laboratory sa lalawigan, sinusuyod na ngayon ng Pampanga Police Office at iba pang law enforcement agencies ang buong lalawigan upang tuklasin kung mayroon pang shabu laboratories na nagtatago sa probinsya.
Ayon kay Recomono, partikular na minamanmanan nila ang mga piggery at poultry farms na ginagamit na front ng mga shabu lab at nasa liblib na lugar.
Una nang natuklasan ang shabu lab sa isang piggery sa bayan ng Magalang.
Bahagi ng pahayag ni Senior Supt. Rodolfo Recomono Jr., hepe ng Pampanga PNP
By Drew Nacino | Len Aguirre | Ratsada Balita