Suportado ng Task Force Mapalad (TFM) na samahan ng agrarian reform beneficiaries ng mga magsasaka, ang plano ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipatupad ang mga mega-farm project nito at ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Inihayag ng TFM na dapat na agad na ayusin ni DAR Undersecretary Bernie Cruz ang konsepto, na nangangailangan ng pagsasama-sama ng maliliit na lote ng sakahan sa mega farms para sa produksyon ng palay.
Naniniwala si Lanie Factor, National Deputy Coordinator ng TFM, na magkakaroon ng “political will” ang susunod na administrasyon upang ipatupad ang programa at dapat bilisan ng DAR ang pamamahagi ng lupang sakop ng comprehensive agrarian reform program.
Dapat din anyang hanapin ng kagawaran ang magkadikit na lugar na 150,000 hectares at agad na ipamahagi ang daan-daang libong ektarya ng lupang hindi pa rin naililipat sa mga magsasaka sa ilalim ng carp.
Samantala, iginiit ni Factor na dapat tutulan ng DAR ang reclassification ng lupa dahil maraming mga sakahan na ang binili ng mga real estate developer at ginawang mga subdivision, mall o memorial park.