Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati City Regional Trial Court ang Mehikanong miyembro umano ng Sinaloa drug cartel, isa sa pinaka-malaking sindikato ng iligal na droga sa mundo.
Sa 22 pahinang resolusyon ni State Prosecutor Juan Pedro Navera na inaprubahan ni Prosecutor-General Claro Arellano, nakitaan ng Department of Justice ng probable cause ang reklamo ng Philippine Drug Enforcement Agency laban kay Horacio Hernandez Herrera alyas Migs.
Nadakip si Herrera sa isang buy-bust operation sa Makati City noong Enero kung saan nasabat mula rito ang mahigit dalawang kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P12 million.
Una nang itinanggi ng dayuhan ang paratang laban sa kanya sa halip ay inakusahan ng pangingikil, kidnapping, at pagnanakaw ang mga pulis na umaresto sa kanya.
Gayunman, mas binigyang bigat ng DOJ ang isinumiteng ebidensya gayundin ang mga testimonya ng PDEA at Philippine National Police Anti-illegal drugs Special Operations Task Force.
By Bert Mozo / Drew Nacino