Aminado ang Philippine National Police (PNP) na oras na para muling aralin ang disciplinary mechanism ng ahensya.
Ito’y matapos sabihin ni Sen. Ronald Bato Dela Rosa na dapat na sigurong silipin ng kongreso ang Republic Act 8551 o ang Philippine National Police reform and Reorganization Act of 1998 para mas mapag-ibayo pa ang disciplinary mechanism sa hanay ng mga pulis.
Ayon kay Sinas, sang-ayon siya sa sinabi ni Dela Rosa na dapat nang bigyan ng kapangyarihan ang PNP Chief na magsibak ng mga tiwaling pulis.
Aniya dahil kasi sa due process na sinusunod kaya hindi agad-agad maaaring magtanggal ng mga bulok na pulis sa pwesto.
Bilang dating PNP Chief, sinabi ni Dela Rosa na mas makabubuti kung magtatakda ng mataas na standards para ang isang pulis ay manatili sa pnp upang matiyak na walang kakalagyan rito ang mga tiwali.