Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) laban sa human trafficking at pagtitiyak ng pagbibigay proteksyon sa mga kababaihan at kabataan ang Pilipinas at United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa DFA, mismong sina Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. at UAE Foreign Minister Sheikh Abdullah Bin Zayed ang lumagda sa MOU bilang sidelines ng 74th United Nations General Assembly sa New York.
Sa ilalim ng MOU, magbabahagian ng pinakamaiging aksyon, magpapalitan ng impormasyon, magsusulong ng karapatang pantao at magpapatupad ng pamamaraan laban sa human trafficking ang 2 bansa.
Kapwa rin magkakaloob ng tulong ang Pilipinas at UAE sa isa’t-isa para sa pagbibigay ng proteksyon, pagsagip, repatriation at rehabilitation ng mga biktima ng human trafficking.
Dagdag ng DFA, mas pinalakas din ng nilagdaang MOU ang bilateral relations at cooperation sa pagitan ng Pilipinas at UAE.