Nasa kamay na ng Kuwaiti government kung kailan maitatakda ang eksaktong araw ng inaasahang pagpirma sa nabuong MOU o Memorandum of Understanding sa pagitan ng nasabing bansa at Pilipinas.
Kaugnay naman ito sa pagtiyak sa proteksyon at kapakanan ng mga manggagawang Filipino sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pagpapasiyahan pa ng pamahalaan ng Kuwait kung ang pipirma sa nasabing kasunduan ay ang kanilang emir o labor minister.
Sinabi ni Bello na magiging madali sana kung kapwa mga pinuno ng labor department ng Pilipinas at Kuwait ang pipirma sa nabuong MOU.
Dagdag ng kalihim, bahagyang matatagalan naman ang proseso sakaling magdesisyon ang Kuwait government na ang kanilang emir ang lalagda sa MOU dahil kinakailangang si Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging counterpart signatory.
Una nang inanunsyo ni Bello na posibleng pirmahan ang nabuong MOU sa susunod na dalawang linggo sa Kuwait.