Aabot sa P10-M halaga ng cash at alahas ang natangay ng mga miyembro umano ng Dugo–Dugo gang mula sa isang 14-anyos na babae sa Quezon City.
Ayon sa PNP-anti-kidnapping group Luzon field unit, mag-isang bumiyahe ang dalagita sa taxi mula sa bahay nila sa Quezon City papunta sa monumento, Caloocan noong Martes para makipagkita sa mga kawatan.
Ito’y makaraang makausap ng bata sa telepono ang isang tumawag na babae na nagpakilalang abogado at sinabing naaksidente umano ang nanay ng biktima at nangangailangan ng pera.
Nakunan pa sa CCTV ang pag-abot ng dalagita sa isang babae ng pulang bag na pinaglagyan ng P1.5-M na cash at mahigit P8-M na halaga ng alahas.
Aminado naman ang amang si “Peter” na nadiskubre nilang wala sa bahay ang kanilang anak at nadatnan ang kwarto na pinuwersang buksan ang kaha de yero gamit ang martilyo.
Gabi na nang makauwi ang dalagita at sa follow-up operation sa tulong ng CCTV footage, naaresto ang isa sa mga suspek na si Roan Pagaran, 30-anyos at kinakasama nitong lalaki sa Malabon City at narekober sa kanila ang ilang relos at alahas pero walang pera.
Sumailalim na sa inquest ang mag-live-in partner para sa kasong theft at pinaghahanap na ang isa pa umano nilang kasabwat.
Samantala, marami sa mga nabawing alahas ay hindi pag-aari ng pamilya ng biktima kaya’t nananawagan ang PNP na makipag-ugnayan sa kanila ang iba pang nabiktima ng “dugo-dugo” gang.