Iginiit ng Malakanyang na sa halip na sa simbahan, dapat nasa kustodiya ng gobyerno ang menor de edad na testigo sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.
Itoy matapos magpakustodiya sa Diocese of Caloocan ang 13 anyos na testigo na may basbas naman ng ama nito.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, naiintindihan naman nila na takbuhan ng mga Katoliko at kahit hindi Katoliko ang mga simbahan pero sinusunod lang anya ng DOJ ang batas at proseso.
Kahapon sinubukan ng mg tauhan ng PNP CIDG na kunin ang kustodiya ng batang testigo pero hindi sila nagtagumpay.
Hindi naman na binanggit ni Andanar kung susubukan ulit ng gobyerno na kuhanin ang kustodiya ng menor de edad na testigo na siya umanong nakakita kung paano binugbog, pinahawak ng baril at pinatakbo ng mga pulis si Kian Delos Santos.