Maganda at makabuluhan ang mga talumpati nina President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa kanilang panunumpa dahil kapwa sila nanawagan ng pagkakaisa laban sa katiwalian at kahirapan.
Ayon kay Senator Sonny Angara, maganda itong panimula sa kanilang pag-upo sa kapangyarihan.
Dapat lang aniyang magtulungan ang ating mga bagong lider dahil hindi biro ang kinahaharap ng bansa.
Giit ni Angara, kung magtatagumpay si Duterte na mabawasan ang red tape sa gobyerno, maibalik ang law ang order sa bansa, labanan ang korapsyon at maipagpatuloy ang paglago ng ekonomiya, tiyak aniyang magiging matagumpay siyang lider ng ating bansa.
Ayon pa kay Angara, hindi madali ang tungkuling nakaatang sa balikat ni Pangulong Duterte kaya mahalaga na magkaisa ang lahat upang masuportahan ang mga magagandang adhikain nito para sa bansa.
By: Avee Devierte