Tila nalilito ang Malakanyang sa nais ipakahulugan ng mga mensaheng ipinaabot ng tambalan nina Senadora Grace Poe at Senador Chiz Escudero para sa darating na halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi kasi malinaw ang mensahe ng dalawa kung nais ba ng mga ito ng pagbabago o ipagpatuloy lamang ang daang matuwid.
Ginawa ni Lacierda ang pahayag makaraang sabihin ni Poe na walang sinuman ang maaaring magmonopolya ng battlecry ng administrasyon na daang matuwid.
Kung pagbabasehan aniya ang campaign jingle ng dalawa na bagong umaga, bakit aniya isinusulong nito ang pagpapatuloy sa daang matuwid gayung para sa kaniya ang tema nito ay pagbabago.
Samantala, sinabi naman sa DWIZ ni lacierda na para sa kaniya, isang magandang tambalan na ang Mar – Leni sa darating na eleksyon
Aniya, kapwa naipakita nila dating Secretary Mar Roxas at Congresswoman Leni Robredo ang halimbawa ng mabuting pamamahala.
‘”Bagay po silang dalawa in the sense that pareho silang apostles ng good governance, so they share the same vision,” paliwanag ni Lacierda.
By: Jaymark Dagala