“Mental health” ng mga parating na byahero mula sa ibayong dagat ang isa sa dahilan kung bakit napadesisyunan sa Cebu na paikliin ang araw ng mandatory quarantine period.
Paliwanag ni Dr. Eugenia Mercedes Cañal ng regional epidemiology and surveillance unit, nakakatanggap sila ng mga ulat kung saan ilan sa mga umuwing OFW ang nakakaranas ng mental breakdowns habang nasa quarantine mula sa pinanggalingang bansa.
Ayon kay Cañal, maliban sa matagal na pananatili ng mga OFW na ito sa detention center, posible pang nakaranas ang mga ito ng hindi makataong pagtrato.
Kaya aniya napaka hirap para sa mga OFW na ito na pagdating dito sa Pilipinas ay panibago at mahabang quarantine na naman ang pagdadaanan.
Alinsunod sa gobyerno, mananatili ng 10 araw sa quarantine facility ang isang byaherong kakarating sa bansa pagsapit ng ika-pitong araw ay saka ito magpapa COVID-19 test at makakauwi pa makalipas ang apat na araw kung sila ay nag-negatibo sa virus.
Ngunit sa Cebu, paglapag pa lamang ng mga byahero ay sumasailalim na agad ang mga ito sa COVID-19 test at maaari nang umuwi kung sila ay negatibo kasabay ng mahigpit na pag mo-monitor ng kanilang lokal na pamahalaan.
Pagsapit ng ika-pitong araw ng pananatili sa tahanan ng byahero ay kinakailangan ulit nitong mag pa-COVID-19 test.