Ipinagpaliban ng Meralco ang mga nakatakda nilang maintenance activities mula Marso 15 hanggang Abril 14.
Ito ay upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente habang nakasailalim sa community quarantine ang buong Metro Manila.
Sa kanilang ipinalabas na abiso, tiniyak ng Meralco ang 24 oras na operasyon at pagbibigay serbisyo sa kanilang mga customers.
Dagdag ng Meralco, tuloy-tuloy din ang kanilang pakikipagtulungan sa energy sector gayundin ang pagpapatupad ng continuity plan at emergency measures para sa walang patid na serbisyo lalu na sa mga kritikal na lugar tulad ng ospital.
Una nang inanunsyo ng Meralco ang nakatakdang power service interruption sa Metro Manila at Bulacan noong nakaraang linggo bago ideklara ang community quarantine.