Nagpaliwanag ang Meralco sa mataas na singil nila sa kuryente sa kanilang mga consumer para sa buwan ng Mayo.
Ito’y matapos ulanin ng reklamo ang Meralco dahil sa mataas na singil nito gayung hindi naman umano nagsagawa ng meter reading dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Paliwanag ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, ang konsumo sa Mayo ay ibinatay umano sa “full ECQ impact”, habang ang singil naman para sa Marso at Abril ay batay lang sa “average consumption”.
Ani Zaldarriaga ang tinutukoy na average consumption na binasehan ng March at April na bill ay sa nakaraang tatlong buwang konsumo batay na rin sa abiso ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Para sa buwan naman aniya ng Mayo na naka reflect sa full ECQ impact ay mataas dahil sa marami ang nananatili sa bahay kaya’t mataas din ang konsumo ng kuryente.
Hindi nakapagsagawa ng meter reading ang Meralco dahil sa ECQ sa Metro Manila at iba pang “high risk areas”.