Asahan na ng lahat ng Meralco customer ang pagbabayad sa kanilang mga nakonsumong kuryente habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) bansa noong nakalipas na buwan.
Sa panayam ng DWIZ kay Meralco spokesperson Joe Zalderriaga, nabasahan na aniya ng metro ang lahat ng mga Meralco customer at nakatakda na aniyang padalhan ang mga ito ng bills na may aktwal nilang konsumo mula Marso hanggang Mayo, kasama na ang para sa buwan ng Hunyo.
Gayunman, ipinaliwanag ng power company na maaring bayaran ng kanilang mga kostumer hanggang June 30 ang 25 percent ng kanilang bill ngayong buwan.
Habang pwede namang bayaran ng installment ng mga kostumer ang natitirang 75 percent billing sa loob ng anim na buwan para sa mga kumonsumo ng mas mababa sa 200 kilowatts per hour noong Pebrero, at apat na buwan naman para sa mga kumonsumo ng mahigit 200 kilowatts per hour.
Pahayag ng Meralco, para sa kanilang mga customer na nais mag-avail ng installment payment ay makatatanggap sila ng dalawang bill, kung saan ang isa dito ay para sa kanilang regular bill at ang isa naman ay para sa installment plan bill.