Nakikipag-negosasyon na ang Meralco sa mga power generation company upang punan ang 670 megawatt supply na kakulangan matapos tuldukan ng South Premiere Power Corporation ng San Miguel Corporation ang kanilang power supply agreement (PSA).
Ayon sa Meralco, pansamantala silang humuhugot ng supply na saklaw ng PSA sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Pero dahil mataas anila ang presyo ng kuryente sa WESM, patuloy ang pakikipag-usap ng Meralco sa ibang generation companies upang punan ang 670 megawatt supply.
Ipinunto pa ng nasabing power distributor na kung magkakaroon ng bagong PSA ay mapo-protektahan ang mga customer laban sa mas mahal na presyo ng kuryente sa WESM.
Sa ngayon ay prayoridad ng Meralco na tiyakin ang patuloy na matatag, mapagkakatiwalaan at sapat na supply para sa lahat ng kanilang customer at ginagawa nila ang lahat ng paraan upang hindi magkaroon ng epekto sa electric bill ng termination ng kanilang PSA sa San Miguel.