Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco kaugnay ng mga reklamo sa napakataas na singil nito sa kuryente partikular sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, kanilang ikinagulat ang dami ng natatanggap na sumbong hinggil sa kasalukuyang singil sa kuryente ng Meralco.
Dahil dito, sinabi ni Cusi na kanila nang pormal na sinulatan ang Meralco para humingi ng paliwanag. Oras na makatanggap na aniya ng sagot ang kagawaran ay agad nila itong isasapubliko.
samantala, sinabi naman ni ERC Chairperson and CEO Agnes Devanadera, kanila nang napadalhan ng sulat ang Meralco noong Mayo 15 para ipaliwanag ang kanilang naging batayan sa singil para sa buwan ng Marso hanggang Mayo.
Dagdag ni Devanadera, may ilang dokumento silang hinihingi para matukoy kung nakasunod ang Meralco sa mga ipinalabas na patakaran ng ERC.