Inanunsyo ng Meralco na sinuspende na nila ang lahat ng disconnection activities sa kanilang mga franchise area hanggang sa ika-15 ng Abril, upang mabawasan ang pasanin ng kanilang mga kostumer na maapektuhan ng panibagong deklarasyon ng gobyerno na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) plus bubble.
Matatandaan na inihayag ng Palasyo na isasailalim sa mas mahigpit na quarantine measure sa loob ng isang linggo ang NCR at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal na magsisimula sa March 29 hanggang sa April 4 ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni Meralco Chief Commercial Officer Ferdinand Geluz, batid nila ang hirap na pinagdaraanan ng publiko na dulot ng pandemya at bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaan na malabanan ang COVID-19 transimmission, makasisiguro aniya ang kanilang mga konsyumer na walang mapuputulan ng koneksyon ng kuryente hanggang sa April 15.
Umaasa aniya sila na sa pamamagitan ng hakbanging ito, maiibsan ang kalbaryo ng publiko na dulot ng new ECQ implementation sa NCR plus.