Hindi pa napapasakamay ng Manila Electric Company (MERALCO) ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng investigating unit ng Energy Regulatory Commission o ERC kaugnay ng diumano’y pang-iipit ng mga ito sa suplay ng kuryente.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni MERALCO Senior Communications Associate Michael Garcia.
Nanindigan si Garcia na walang nangyaring market abuse sa panig ng kanilang kumpanya.
“Ang sa posisyon po ng MERALCO, wala po kaming ki-nommit na any market abuse sa dahilang hindi po kami power generator, ang MERALCO ay tanging nagdi-distribute ng power na manggagaling sa iba’t ibang power generators, ang pinag-uugatan kasi nito ay ang MERALCO ang nag-ooffer ng capacity ng isang planta, yung tinatawag na Thermamobile Inc. doon sa tinatawag na Wholesale Electricity Stock Market o WESM.” Pahayag ni Garcia.
Refund
Matatandaang, humihirit ng refund mula sa MERALCO ang grupong Bayan Muna.
Kasunod ito ng pahayag ng Energy Regulatory Commission o ERC na nagkaroon ng market abuse o pagmamanipula ng kalakalan sa kuryente habang naka-maintenance shutdown ang Malampaya noong November hanggang December 10, 2013 ang MERALCO at 12 power producers.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares, bukod sa pagbabalik sa konsyumer ng sobrang singil ng MERALCO, dapat ding ibalik nito ang kinita mula sa labis na paniningil.
Sinabi ni Colmeranes na maaaring ipatupad ang refund sa pamamagitan ng pagtapyas sa electril bill ng mga konsyumer ng MERALCO kahit walang utos ng korte.
By Meann Tanbio | Kasangga Mo Ang Langit