Nakahanda si dating Philippine Navy Flag Officer in Command (FOIC) Vice Admiral Ronald Joseph Mercado na humarap sa pagdinig ng Senado hinggil sa Frigate Acquisition Project ng Navy.
Ayon kay Mercado, ito aniya ang pagkakataon niya para magpaliwanag sa usapin lalo’t lumalabas na pinipilit niya umano na piliin ang contractor para sa combat management system na Tacticos Thales ng Netherlands gayung ito naman ang gusto noon ng Philippine Navy.
Aniya, hindi niya alam kung nakausap ni Rear Admiral Robert Empedrad, kasalukuyang flag officer in command ng Philippine Navy si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go.
Paliwanag ni Mercado, kanyang naaalala lamang ay ibinigay niya kay Empedrad na dating chairman ng Frigate Project Technical Working Group ang white paper na naglalaman ng umano’y pag-endorso sa South Korean supplier na Hanwha.
Naglalaman din ang nasabing papel ng sulat kamay ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagsasabing galing ang nasabing dokumento kay Go.
Aminado naman si Mercado na hindi niya na binasa nang buo ang nilalaman ng dokumento at ipinasa na agad kay Empedrad.