Hinangaan ng marami ang beteranang aktres na si Meryl Streep hindi lamang sa kanyang tinanggap na De Mille Lifetime Award dahil sa katangi – tangi nitong kontribusyon sa mundo ng entertainment kundi maging sa naging acceptance speech nito.
Hindi man diretsahang binaggit ang pangalan ni US President Elect Donald Trump ay malinaw na ito ang pinatututsadahan ni Meryl sa kanyang naging speech.
Binigyang diin ni Meryl na ang hollywood at ang buong Amerika ay binubuo ng mga taong nagmula sa iba’t ibang lahi.
Binanatan nito si Trump sa ginawa nitong panggagaya sa isang disabled reporter nuong kampanya.
Sinabi nito na ang pagiging bastos ay makakakuha rin ng pambabastos at ang karahasan ay magdudulot ng karahasan, ang mga may kapangyarihan na ginagamit ang kapangyarihan para mambully ng iba, sa ganung paraan ay magiging talo ang lahat.
Ito naman ang iba pang pinarangalan sa prestihiyosong golden globe awards:
Nakuha ng Musical Comedy Film na La La Land ang Best Picture Award for Comedy.
Gayundin ang Best Actress Award para kay Emma Stone at Best Actor para kay Ryan Gosling dahil sa kanilang naging epektibong pagganap sa nasabing pelikula.
Nakuha rin nito ang Best Director, Best Screenplay, Original Score at Best Original Song.
Nakuha naman ng pelikulang Moonlight ang Best Picture Drama category.
Sa drama category pa rin, tinanghal na Best Actress si Isabelle Huppert para sa pelikulang Elle habang Best Actor si Casey Affleck sa pelikulang Manchester By the Sea.
By: Rianne Briones