Pagpapasyahan na ng Inter Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga rekumendasyon ng iba’t-ibang sektor pagsapit ng mayo 16.
Ito’y sa harap ng napipintong pagtatapos ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at ibang mga lalawigan sa bansa sa Biyernes, Mayo 15.
Sa limang oras na pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) nitong Sabado, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia, tatlong mungkahi ang ini-akyat ng Metro Mayors sa IATF.
Nagkaroon kami ng tatlong scenario, meaning, ECQ pero siguro kakayanin natin hanggang 2 weeks na lang; no. 2 is GCQ the whole Metro Manila, so may mga guidelines ‘yan; after number 2 yung modified GCQ kung sakali na papayagan ito, pero kailangang tandaan natin na walang tamang desisyon dito, walang perpektong desisyon kasi whatever decision they will make definitely either the economy or health will be affected,” ani Garcia.
Sa ilalim ng modified ECQ, ipinaliwanag ni GM Garcia na lilimitahan lang ang lockdown sa isang bayan, syudad o barangay na matinding apektado ng COVID-19.
Pero pagtitiyak naman ni Garcia, handa naman ang mga alkalde sa anumang magiging desisyon ng IATF hinggil dito.
Gayunman, asahan na ayon kay Garcia na magiging iba na ang sitwasyon sakaling luwagan na ang umiiral na community quarantine sa Metro Manila matapos ang Mayo 15 partikular na sa sektor ng transportasyon.
Maiiba na yung ating new normal, tandaan natin ang ating physical distancing kailangan talagang laging ipatupad yan, yung guideline ng DOH na laging naka-mask and we will expect na ang ating mga PUV’s ay kalahati lang lahat ang laman niya, ‘yan ang na-discuss namin kahapon at yung ating mga terminals, bus stop kailangan may mga marking yan ng physical distancing, kailangan matuto ng pumila ang mga tao, hindi na pwede yung mga balagbag dyan na nasa kalsada na nag-aabang, hindi na pwede yan,” ani Garcia. — panayam mula sa Oh! IZ sa DWIZ.