Handa na ang Metro Manila na muling ibalik sa general community quarantine (GCQ) sa Agosto 19.
Ito’y ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, na siya ring chairman ng National Task Force on COVID-19.
Ani Lorenzana, nakikita niya na bumababa na ang bilang ng mga naitatalang panibagong kaso ng COVID-19.
Mula aniya sa 6,000 ay nasa kalahati na lamang ang naitalang mga bagong kaso sa nakalipas na araw.
Bukod dito, kanila na aniyang natukoy ang mga lugar na may matataas na kaso ng COVID-19 na kanilang tututukan.
Patuloy rin aniya ang ginagawang pakikipagugnayan ng NTF sa mga local officials para matukoy ang pinagmulan ng pagtaas ng kaso sa mga partikular na lugar.
Matatandaang muling isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila at iba pang karatig lalawigan mula Agosto 4 hanggang Agosto 18.