Makaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang umiiral na easterlies o warm winds na nanggagaling sa Dagat Pasipiko ngayong araw.
Dahil dito, ayon sa PAGASA, asahan na ang maalinsangang panahon ngayong maghapon sa bahagi ng Luzon.
Makararanas naman ng magandang lagay ng panahon ang mga lugar sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley ngunit may maliit pa rin na tiyansa ng pag-ulan.
Asahan naman ang mainit na panahon sa Tuguegarao City kung saan posibleng umabot sa 36°C ang temperatura.
Sa Baguio City naman, inaasahang papalo mula 16°C hanggang sa 25°C ang temperatura.
Samantala, maalinsangang panahon din ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon lalo na sa tanghali, habang may posibilidad naman ng pag-ulan sa hapon at gabi.
Iikot naman sa 24°C hanggang 34°C ang temperatura sa Metro Manila.
Wala ring inaasahang anumang sama ng panahong papasok sa bansa sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.