Mananatiling nakasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila hanggang sa susunod na dalawang linggo —epektibo ngayong araw, ika-16 ng Hulyo.
Ito, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ay makaraang tanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mungkahing ibalik muli ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil sa patuloy pa ring pagdami ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Ani Roque, noong una ay sumang-ayon ang pangulo sa rekomendasyon ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na muling isailalim sa MECQ ang rehiyon, ngunit umapela rito sina COVID-19 response chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Interior Secretary Eduardo Año.
Gayunman, malinaw naman aniya sa naging diskusyon na bagaman pumayag ang Pangulong Duterte na huwag munang ibalik sa MECQ ang Metro Manila, ay posible pa rin itong ibalik sa naturang quarantine classification kung hindi pa rin napabagal ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.
Pumayag po ang ating presidente na ‘wag munang ibalik ang Metro Manila sa MECQ sa susunod na dalawang linggo, pero malinaw po sa diskusyon na kapag hindi pa rin po napabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila, posibleng bumalik sa MECQ pagkatapos nitong dalawang linggo,” ani Roque.
Samantala, pinaluwag naman ang quarantine restrictions sa Cebu City; mula sa ECQ ay isasailalim na ito sa MECQ, epektibo ngayong araw.
Magugunita namang ipinahayag ng Department of Health (DOH) na nasa “danger zone” na ang critical care utilization rate sa Metro Manila kung saan okupado na ang 70% ng mga ward at isolation beds para sa mga COVID-19 patients nitong ika-12 ng Hulyo.
Sa ngayon ay mayroon nang 58,859 COVID-19 cases sa bansa —20,976 sa mga ito ang naka-recover habang 1,614 ang mga nasawi.