Inanunsyo ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na mananatiling nakasailalim sa alert level 2 ang buong bansa hanggang sa January 15, 2022.
Ginawa ni Nograles ang pahayag matapos itong aprubahan ng IATF kasabay ng updated “country risk classification” na epektibo rin simula bukas.
Sa ilalim ng alert level 2, pinapayagan ang hanggang 50% ng indoor capacity para sa fully vaccinated adults at mga menor de edad kahit na hindi bakunado at 70% outdoor capacity.
Ayon pa sa opisyal, nananatili ang banta ng COVID-19 at kailangang bantayan ang Omicron variant na nakapasok sa bansa.
Matatandaang iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng mga kaso sa NCR.
Ibinabala rin ng OCTA Research Group na maaaring higit pa sa “holiday uptick” ang pagtaas ng COVID-19 cases.