Isinusulong ng Metro Manila Mayors na magkaroon ng ordinansa na nagpapataw ng parusa sa mga nagbibisekletang lumalabag sa batas trapiko.
Ito’y matapos pumalo sa mahigit 2,000 ang bilang ng mga naaksidente sa mga bisikleta sa EDSA ngayong taon batay sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang naitalang aksidente sa Quezon City, sinundan ng Maynila at Makati.
Ilan umano sa mga karaniwang sanhi ng aksidente ay human error o kawalan ng kontrol, pagkalasing at sirang brake.
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, magpapatawag siya ng pulong para makabalangkas na ang Metro Manila Mayors ng mga ordinansa na nagpaparusa sa mga pasaway na nagbibisekleta.
Sa ngayon kasi umano ay nakatuon ang ordinansa sa pagkakaroon ng mga biker ng protective gear gaya ng helmet at reflectorized na vests.