Hati ang pananaw ng mga alkalde sa Metro Manila sa panukalang isailalim sa lockdown ang buong National Capital Region (NCR) bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, maituturing pang kuwestiyonable ang panukala lalu na’t hindi pa aniya ganun kalaki ang bilang ng kaso ng COVID-19 para magpatupad ng lockdown.
Tutol din sa panukala si Makati Mayor Abby Binay dahil masyado pa aniyang maaga para magpatupad ng lockdown.
Bukas naman si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa pagsasailalim sa lockdown ng Metro Manila pero para lamang sa isang partikular na barangay o siyudad.
Paliwanag ni Teodoro, kailangan lamang matukoy ng mabuti kung anong bahagi ng rehiyon ang dapat i-lockdown at hindi ang buong Metro Manila para maiwasan itong maparalisa.