Nagkasundo ang Metro Manila Mayors sa kanilang pagpupulong kagabi na muling ipasara ang mga sinehan at amusement centers kasunod ng muling pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, pansamantalang pinsuspende ng mga local chief executives ng Metro Manila ang operasyon ng mga ito upang mapigilan ang tuloy-tuloy na pagsirit ng COVID-19 cases sa NCR.
Pahayag ni Abalos, napakahalaga ngayon na mag-back to basic at sumunod sa minimum health protocols tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Nakakaalarma ani Abalos ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kamaynilaan sa loob lamang ng nakalipas na dalawang linggo.
Sa katunayan, ayon sa MMDA chairman, nasa 89% na o halos mapupuno na ang quarantine area sa oplan kalinga ng Department of Tourism at MMDA.
Bago pa aniya mahuli ang lahat, dapat nang magpatupad ng mas istriktong health protocols sa Metro Manila.
Dagdag ng opisyal, dapat talaga na may mga safety officers na palagiang umiikot para siguruhing lahat sumusunod sa minimum health standards gaya ng mas, iwas at hugas.