Irerekomenda ng Metro Manila mayors ang pagpapatupad ng ‘flexible modified enhanced community quarantine (MECQ)’ sa pagsapit ng buwan ng Mayo.
Sa panayam ng DWIZ kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, sinabi nito na napagkasunduan ng mga naturang alkalde ang pagpapatupad ng “MECQ with additional business openings and activity” kung saan, mananatili pa rin ang mga quarantine protocols sa ilalim ng MECQ ngunit dadagdagan ang mga sektor na papayagan nang makapag-operate.
Ang posisyon ng Metro Manila mayors ay ‘yung tinatawag naming MECQ with additional business opening and activity,” ani Abalos.
Kabilang aniya sa mga papayagan nang mag-operate ay mga negosyo na may kinalaman sa construction at iba pang negosyo, batay na rin sa magiging desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nagkaroon din aniya ng resolusyon ang Metro Manila mayors na paikliin ang oras ng kasalukuyang curfew sa 10p.m. hanggang 4a.m. mula sa umiiral na 8p.m. hanggang 5a.m. curfew.
Ang mga mayors ay nagkaroon ng resolusyon na starting May 1, ang ating curfew ay hindi na 8p.m., magiging 10p.m. na hanggang 4a.m.,” ani Abalos.
Binigyang-diin naman ni Abalos na tatalakayin pa ang mga naturang rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na sila namang magsusumite ng pormal na rekomendasyon sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaasahan namang maglalabas ng anunsyo ang punong ehekutibo hinggil dito sa Miyerkules. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais