Pormal nang ipinasa ng mga iba’t-ibang lungsod sa Metro Manila ang ordinansa hinggil sa pagdalaw sa mga sementeryo bago ito isara sa October 29 hanggang November 3.
Ito’y tugon ng mga Metro Manila Mayors sa naunang desisyong isara ang mga sementeryo sa nalalapit na Undas para matiyak na hindi kakalat pa ang nakamamatay na virus.
Sa lungsod ng Pasay, inilabas na nila ang schedule ng pagdalaw sa mga sementeryo, kung saan ay bawat mga barangay sa lungsod ay may naka-schedule lamang ng pagpunta.
Magiging bukas naman sa publiko ang mga sementeryo sa lungsod ng Parañaque mula October 1 hanggang October 28 at November 5.
Iginiit din ng mga awtoridad na limitado lamang sa 150 katao ang papayagan sa loob ng sementeryo at 20 naman sa loob ng mga kolumbaryo.
Samantala, nagkaisa ang mga Metro Manila Mayors sa panawagan sa publiko na sa pagpunta sa mga sementeryo, patuloy na sumunod sa umiiral na safety health protocols kontra COVID-19.