Nagpulong kagabi ang Metro Manila Mayors upang talakayin ang kanilang preparasyon laban sa mas nakahahawang COVID-19 delta variant.
Kabilang sa mga pinag-usapan ng mga Alkalde sa National Capital Region o NCR ang mas mahigpit na border control sa Metro Manila; mas agresibong contact tracing, at ang agarang pagpapatupad ng granular lockdowns sakaling kailanganin.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, kasama din sa kanilang natalakay ang mga precautionary measures na maaring ipatupad sa buong kamaynilaan.
Giit ni Abalos, kahit kaunti lamang ang kaso ng Delta variant at bahagya pang maganda ang hospital care dito sa Metro Manila, hindi ito nangangahulugan na dapat nang magpakakampante ang mga lokal na pamahalaan sa NCR.
Sinabi naman ni PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar, na ikinasa na nila ang mas pinaigting na monitoring at quarantine checkpoints, kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa IATF at National Task Force against COVID-19 upang malaman ang mga dapat pang palakasin para mapigilan ang pagkalat ng delta variant sa Metro Manila.