Labis na pinag-iingat ang publiko ng ilang alkalde sa Metro Manila sa basta-bastang paggamit ng Ivermectin laban sa COVID-19.
Ito’y dahil hindi pa umano sapat ang mga patunay para masabing epektibo ito sa pagpuksa ng nakamamatay na virus.
Ang panawagan ay ginawa ni Pasig Mayor Vico Sotto makaraang mamudmod ng hindi rehistradong ivermectin ang dalawang mambabatas sa Quezon City kahit kulang-kulang ang mga reseta ng ilang pasyente.
Maging si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay muling ipinahayag na wala pang sapat na ebidensya para irekomenda ng Department of Health o DOH ang ivermectin bilang lunas o pananggalang sa nasabing impeksiyon.
Kasabay nito, binigyang diin naman ni Taguig Mayor Lino Cayetano na hindi rin ine-endorso ng kanilang lungsod ang paggamit ng ivermectin laban sa coronavirus.
Ayon kay Cayetano, tatalima lang umano sila kung ano irerekomenda ito ng mga eksperto.