Tutol ang mga Metro Manila mayors sa pagsasagawa ng mga Christmas parties ng mga tanggapan ng pamahalaan sa gitna ng nararanasang banta sa coronavirus disease 2019 ng bansa.
Ito ang inihayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia batay aniya sa napagpasiyahn ng Metro Manila Council.
Ayon kay Garcia, nais ng mga Metro Manila mayors na talagang ipagbawal ang christmas parties.
Sa katunayan aniya ay hinihikayat din maging ang pribadong sektor na huwag na rin magsagawa ng christmas party na posibleng pagmulan pa ng transmission o pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni garcia, sa halip na Christmas party, pinapayuhan nila ang pribadiong sektor na ipagdiwang ang kapaskuhan sa pamamagitan ng pag-organisa ng raffles, pagbibigay ng bonus at pagsasagawa ng online meeting.
Binigyang diin ni Garcia, unti-unti nang bumababa ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa at mahirap kung magbabalik muli sa modified ECQ sa Enero dahil pinahintulutan ang mass gathering tulad ng Christmas party.