Tiniyak ni NCRPO o National Capital Region Police Office Director Chief Superintendent Oscar Albayalde na nananatiling ligtas ang Metro Manila laban sa anumang banta ng grupong Maute.
Kasunod ito ng report na maaaring nakarating na sa Metro Manila ang ilang miyembro ng pamilyang Maute.
“Ang sinasabi naman po nating kamag-anak kasi hindi naman porke’t kamag-anak ay suportado nila yung ginagawang hindi maganda ng mga kamag-anak nila sa Mindanao, yung mga sinasabi natin na mga kamag-anak nila dito sa Maynila ay matagal nang naninirahan dito sa at yan ay mga lehitimong negosyante. Hindi porke’t Maute ang apelyido ay malapit na sila sa mga Maute sa Mindanao. Wala po tayong namo-monitor na sila ay bayolente at sila ay sumusuporta sa mga kamag-anak nila sa Mindanao, mga law abiding citizens naman po sila.” Ani Albayalde
Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na kailangan pa ring maging mapagmatyag ng publiko at kaagad na iparating sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang tao o bagay na kanilang makikita.
“Kung may nakikita silang kahina-hinala na kamag-anak talaga ng Maute na sumusuporta sa mga kamag-anak nila sa Mindanao ay kailangang ipagbigay-alam nila agad sa mga awtoridad. Safe pa rin po tayo ngunit hindi po tayo puwedeng maging kampante at kailangan pa rin nating maging mapagmasid, at kailangan nating i-report anything that is out of the ordinary, continuous ang monitoring ng ating mga intelligence operatives.” Pahayag ni Albayalde
Nilinaw din ni Albayalde na wala pa silang natatanggap na report kaugnay naman sa napaulat na pagkakahuli ng ISAFP o Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines kay Omar Maute sa NAIA Terminal 3 na sinasabing founder ng Maute Group sa Mindanao.
Quiapo blast
Samantala, nilinaw ni NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde na hindi pa itinuturing na suspek ang tatlong (3) indibidwal na hinuli ng pulisya sa Subic kaugnay sa serye ng pagsabog sa Quiapo, kamakailan.
Sinabi ni Albayalde na ang tatlong (3) indibidwal ay inimbitahan lamang ng mga kawani ng Manila Police District dahil baka makatulong ang mga ito sa imbestigasyon.
Ang tatlong (3) persons of interest aniya ay kabilang sa mga nakatira sa lugar at namataan sa lugar na pinagsabugan bago ang pagsabog.
“Ang tatlong persons of interest ay hindi pa po sila suspek, inimbitahan lang po yan ng MPD at hindi mga Maute yang mga yan, sila po kasi ang mga tumira doon.” Pahayag ni Albayalde
ByKatrina Valle | Ratsada Balita (Interview) | AR
Metro Manila nananatiling ligtas sa banta ng Maute was last modified: May 31st, 2017 by DWIZ 882