Inilagay ng Department of Health sa Moderate Risk Classification ang Metro Manila matapos makapagtala ng pagtaas sa COVID-19 cases sa nakalipas na 2 linggo.
Ayon kay DOH Officer in charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, umabot sa 2,334 ang average na bilang ng infections kada araw mula September 22 hanggang 28 sa rehiyon, na mas mataas ng 2 % sa nakalipas na linggo at mas mataas naman ng 7 % sa nakaraang 2 linggo.
Sinabi pa ng opisyal na mas mababa sa 50 % ang hospitalization rates sa lahat ng lugar sa bansa, ngunit nakitaan ng pagtaas ang ilang lugar sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Vergeire na kasalukuyang nasa ”minimum level” ang severe at critical admissions sa bansa.
Tiniyak rin ng opisyal na patuloy nilang binabantayan ang hospital admissions sa gitna ng muling pagsirit ng COVID-19 infections.