Pinaigting pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Metro Manila mayors ang kanilang posisyon kontra sa muling pagbubukas ng mga sinehan sa National Capital Region (NCR).
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni MMDA chairman Benhur Abalos na batay sa kanilang naging pagpupulong, pinarerekonsidera ng mga alkalde ang nakatakdang pagbubukas ng mga sinehan sa mga lungsod.
‘Yung sinehan, talagang nagpapa-reconsider ‘yung mga mayors na talagang dapat sana ay ‘wag munang buksan dahil enclosed po ‘yan. Pangalawa, ‘yung hangin d’yan, nakalutang ‘yung virus na mas matagal,” ani Abalos.
Prayoridad aniya nila ang proteksyon ng mga manonood dahil iniiwasan nila ang recirculation o pag-iikot ng hangin sa isang enclosed na lugar na malaking factor para kumalat ang virus o ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Paliwanag pa ni Abalos, nakikiisa ang mga alkalde sa mga hakbang sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa ngunit dapat aniya nilang muling pag-usapan ang panunumbalik ng naturang aktibidad.
Pinalakas lang po ang posisyon po dito. Nakikiisa naman ang mga mayor na dapat buksan ang ekonomiya dahil kailangan natin ‘yan, pero itong particular activity, baka pwede pa pong pag-isipan. Baka pwedeng ‘wag muna.” ani Abalos. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais