Pinaplantsa na ang planong Metro Manila shutdown o Metrowide earthquake drill.
Ipinabatid ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa pagharap niya sa kamara bagamat wala pa aniyang petsa ang nasabing shutdown.
Ayon kay Tolentino, dalawang simulation exercises ang gagawin sa naturang earthquake drill na nais niyang gawin sa Agosto.
Sa Metrowide earthquake drill, magkakaroon ng daytime simulation at night time simulation ng sitwasyon nang pagtama ng lindol para hindi lumikha ng panic kundi tiyaking hasa ang publiko kapag tumama ang The Big One.
Sa araw ng shutdown, titigil ang Metro rush dahil ihihinto ang mga negosyo, traffic, biyahe ng mga sasakyan, putol ang linya ng komunikasyon, tubig at maging kuryente.
Maging ang media ay mawawalan ng kuryente at communication lines at mananatili lamang ang operasyon ng mga ospital at standby force ng pulisya at fire department.
Nais ni Tolentino na maging institutionalize ang hakbang at maidaos isang beses isang taon.
Ang paghahanda ay bahagi ng oplan metro yakal ng MMDA na katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna at Batangas na dinadaanan din ng faultline.
By Judith Larino