Balik bansa ang nasa 280 na mga Pinoy mula Algeria, Libya at Tunisia matapos ang magdadalawang buwang pag-aayos ng kanilang repatriation.
Ang naturang hakbang ay itinuturing na kauna-unahan na naisagawa ng Pilipinas sa mga nasabing bansa sa North Africa, simula noong 2014 makaraang magkaroon ng pagkilos protesta sa bansang Libya.
Sa inilabas na kalatas ng ating embahada sa Tripoli, sa kabuuang mga balik bansang Pinoy, 227 sa kanila ang mga nanggaling sa Algeria, 39 sa mga ito ay mula Libya, at 15 sa kanila ay galing naman sa Tunisia.
Samantala, itinuturing naman ni Embassy Chargé D’affaires Elmer Cato, na pinakamalaki at pinakakomplikado ang naging proseso ng ating embahada sa repatriation ng mga Pinoy mula sa mga bansa sa North Africa.