Panahon na upang bumalik muli sa manu-manong paraan ng pagbibilang ng boto dahil sa tuluyan nang nasira ang kredibilidad ng automated elections.
Iyan ang pananaw ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) sa harap ng samu’t saring mga aberyang naranasan nitong nakalipas na halalan.
Ayon kay NAMFREL National Council Member Lito Averia, dapat sagutin ang panagutan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga aberyang ito sa taumbayan dahil hindi nila natupad ng maayos ang kanilang ipinangako sa publiko.
Ipinunto pa ni Averia ang mga sirang vote counting machine (VCM), depektibong SD cards, low quality pens at ang pinakamalala aniya ay ang pagkaka-antala ng transmission mula sa transparency server patungo sa mga third party servers tulad ng media.
Isama na rin aniya ang mas lumalang problema ng vote buying sa mga lalawigan sa kabila ng mas mababang bilang ng mga karahasang may kinalaman sa halalan.
Gayundin ang kawalang kahandaan ng mga miyembro ng electoral board at technical support sa kabila ng mga ikinasa na nilang programa para sanayin ang mga ito.